Written by Kaluppâ Foundation Team
Ang bawat tanim ay may kwento. At sa kwento ni Lhen Ricohermoso, ang binhi ay minana mula sa kanyang mga magulang, at ang bukid ay pinaunlad sa tulong ng kaalaman, pagsisikap, at pagmamahal.
Bilang bahagi ng Agri Crops NC II Batch 3 noong 2023, isa sa mga pioneering batches ng agricultural training program ng Kaluppâ Foundation, si Lhen ay kilala sa kanyang kasiyahan, kabaitan, at kakulitan. Palaging game, palaging may ngiti, at palaging handang tumulong. Siya ang klase ng ka-batch na agad mong mamahalin.
Lumaki si Lhen sa isang pamilyang magsasaka, kung saan ang lupa ay hindi lang kabuhayan kundi bahagi ng buhay. Sa tulong ng TESDA at ng Kaluppâ Foundation, pinili niyang palalimin ang kaalaman sa Agricultural Crops Production NC II.
Sa loob ng 42 araw ng libreng training, natutunan niya ang tamang paghahanda ng lupa, pangangalaga sa mga punla, at mga makabagong techniques sa pagtatanim—mga kaalamang naging gabay sa pag-unlad ng kanilang bukirin.
“Lumaki kami sa buhay-pagsasaka na pinagyaman ng aming mga magulang, at kalaunan ay amin ding natutunan at pinagyabong. Mula sa payak na pamamaraan, unti-unti itong umunlad sa tulong ng TESDA at ng Kaluppâ Foundation… Tunay ngang ang kaalaman ay kayamanang hindi mananakaw, lalo na kung ito ay ginagamit sa tama at makabuluhang paraan,” saad ni Lhen.
Ngayon, si Lhen ay masigasig na nag-aalaga ng kanilang maliit na sakahan kasama ang kanyang mapagmahal na asawa at anak na babae. Sama-sama silang nagtatanim, nag-aani, at naghahanda ng lupa, mula sa palay at prutas hanggang sa gulay at kung anu-ano pa. Sa bawat araw ng pagtatanim, may kasamang tawanan, kwentuhan, at pagmamahalan.
At kahit higit dalawang taon na ang lumipas mula sa kanilang graduation, nananatiling buhay ang samahan ng Batch 3. Madalas pa rin silang mag-reunion, sa mga kaarawan, pista, o simpleng salu-salo. Si Lhen, bilang isa sa mga masiglang puso ng grupo, ay kadalasang nagluluto gamit ang ani mula sa kanyang farm, isang masarap na paalala ng kung gaano kalayo na ang kanilang narating.
At sa mga random na araw, kapag naalala niya o may tanong na biglang sumulpot, si Lhen ay masayang nagcha-chat pa rin sa kanyang dating mga farm trainers. Minsan tungkol sa fertilizers, minsan tungkol sa mga peste, minsan ay simpleng tanong lang na “okay lang ba ito itanim ngayon?”. Mga munting mensahe na nagpapaalala sa atin na ang tunay na magsasaka ay hindi tumitigil sa pagkatuto. Nakakatuwang makita na ang isang alumni ay patuloy na yumayakap sa lifelong discovery, na ang tanong ay bahagi ng paglago, at ang pag-uusap ay bahagi ng komunidad.
Ang kwento ni Lhen ay kwento ng kaalaman na isinabuhay, ng komunidad na pinagyaman, at ng pamilya na pinatatag sa lupa. Isa siyang patunay na ang binhi ng pagbabago ay kayang tumubo sa simpleng sakahan… basta’t may sipag, saya, at suporta.
Contact
+63 042 332-2126
Kaluppâ Integrated Farm, Barangay Pantayin, Santa Cruz, Marinduque, 4902 Philippines