Proud na proud na ibinahagi ng ating dating agriculture scholar na si Melanie Entice, na taga-Barangay Pantayin, Santa Cruz, Marinduque, ang kanyang mga malulusog na pananim na mais!
"Malaki po ang naitulong sa akin ng mga natutunan ko sa pag-aaral ng farming," saad ni Melanie na naging mag-aaral ng Kaluppâ Foundation at scholar ng TESDA noong 2022 sa kursong Agricultural Crops Production NC II.
"Lalo man po akong nangitim dahil sa aking mga ginagawa sa bukid, hindi naman po yun mahalaga para sa akin. Mas mahalaga po ang kabuhayan at kinabukasan ng aking mga anak at pamilya," dagdag pa nya.
Katulad ng kanyang mga naging kaklase noong 2022, nakapasa rin si Melanie sa Agri Crops Production NC II assessment.
"Nagagamit ko pong tunay ngayon ang aming mga napag-aralan sa pagfa-farming, gaya po ng pagpapalan, pangangalaga ng mga halaman, pati ang paglalagay ng abono sa lupa. Ako po ay nagpapasalamat nang malaki kasi po ay naging bahagi po ako ng TESDA training sa Kaluppâ."
Maliban sa aktwal na pagtatanim, inaral din noon ni Melanie at ng kanyang mga kaklase ang plant nursery operations, care and maintenance, at harvest operations. "Dahil po sa inyo, lalo po akong naging interisado sa pagbubukid," masaya nyang giit.
"Habang may pagkakataon po at oras, gawin po natin ang mga bagay na kapaki-pakinabang para sa atin."
// RS Kaluppâ Team
Contact
+63 042 332-2126
Kaluppâ Integrated Farm, Barangay Pantayin, Santa Cruz, Marinduque, 4902 Philippines